MANILA, Philippines — Desidido ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na maduplika ang numero ng mga boksingerong magku-kwalipika sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Maganda ang rekord ng Pinoy boxing team sa Olympics.
Noong 2012 London Olympics, isang boksingero lamang ang nakapasok sa ngalan ni Mark Anthony Barriga.
Ngunit nadoble ito noong 2016 edisyon sa Rio de Janeiro, Brazil nang makasikwat ng tiket sina Rogen Ladon at Charly Suarez.
Mas lalo pang nagningning ang Pinoy boxing team nang makahirit ng apat na tiket ang koponan sa 2021 Tokyo Olympics na idaraos sa Hulyo.
Nangunguna sa listahan sina Eumir Felix Marcial at Irish Magno na nabiyayaan ng tiket sa Asia-Oceania Championship noong nakaraang taon.
Nadagdagan ito nang bigyan ng awtomatikong puwesto sa Tokyo Games sina world champion Nesthy Petecio at Southeast Asian Games gold medalist Carlo Paalam dahil sa kanilang mataas na ranking sa Asya.
Ayon kay ABAP president Ricky Vargas, puntirya ng asoasyon na doblehin ito sa Paris Oympics kung saan walong boksingero ang target nitong magkwalipika.
“Noong London Olympics, we have one boxer then two boxers noong 2016 Rio Olympics. This time four boxers na tayo sa Tokyo Olympics,” ani Vargas.
Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng magandang programa, sapat na exposure at suporta mula sa iba’t ibang sektor.
“Hopefully, madoble ulit natin sa 2024 Paris Olympics,” dagdag ni Vargas.
Ito ang pinakamalakas na tsansa na makahirit ng gintong medalya ang boxing team para sa Pilipinas.
Kasalukuyang No. 2 sa world ranking si Marcial at nagsasanay kasama ang world-class trainers at coaches sa Wild Card Gym sa Amerika habang world champion si Petecio sa kanyang dibisyon.