Ito ang karugtong ng ating kolum kahapon.
Nanlalambot na lang talaga ang muscles ng mga atletang umaasa sa allowance na hindi pa rin dumarating.
Sa kabilang banda’y naiintindihan naman ng national athletes ang panandaliang pagsasara ng PSC cashier at Landbank dahil sa biglang taas ng COVID-19 cases sa bansa at muling pagpapatupad ng General Community Quarantine. Ngunit kailangan pa abutin sa ganitong pagkakataon? Hindi ba’t bago pa mag Marso 15 ay tapos na ang pagproseso ng lahat?
Simple lang naman ang hiling ng national athletes -- maibigay lang ang allowance at masunod ang petsang itinakda sa pamimigay nito. Hindi na dapat pa umaabot sa may magrereklamong atleta dahil responsibilidad na ng ahensiya na on time ibigay ang kanilang monthly allowance. Kung nasusunod lang sana ay wala na sigurong magiging problema. Kung may pagka-delay ‘man dapat na ipaliwanag mabuti sa national athletes ang dahilan ng palagiang pagka-delay ng allowance. Ang reklamo sa pagkadelay ng allowance ay bagay na ginagawan na dapat nang aksyon at solusyon hindi na dapat pang dumaan sa pagsusuri dahil matagal na itong isyu. Ang dapat suriin ay ‘yung proseso, bakit nade-delay?
Maraming national athletes ang umaasa sa allowance na ito lalo na’t pandemya. Sana’y madinig ang hinaing ng mga atleta natin. Sakaling marinig ito’y pakigalaw na ‘ho ang baso. Nawa’y masolusyunan na.