Pagsikwat sa Olympic Berth
MANILA, Philippines — Maituturing na ‘suntok sa buwan’ ang magiging kampanya ng mga national karatedo team sa qualifying tournament para sa 2021 Olympic Games na gagawin sa Tokyo, Japan.
Sa isang weight category ay 100 karatekas ang malalaban-laban kung saan kukunin ang tatlo sa apat na sisikwat ng gold, silver at dalawang bronze medals para sa 2021 Tokyo Olympics.
Sasabak si 2019 Southeast Asian Games gold medalist Jamie Christine Lim sa women’s +61-kilogram ng Olympic qualifying sa Hunyo sa Paris, France.
“They’re (organizers) gonna take the medalists sa top four. Isang gold, silver at dalawang bronze tapos magra-round robin sila and they’ll get the top three,” ani Lim.
“Silang tatlo lang ang makakapasok sa Olympics kasi there are already seven other slots na taken na sa Olympics. So three left for this qualifiers,” dagdag ng anak ni PBA great Samboy Lim.
Bilang preparasyon sa Olympic qualifying ay magtutungo ang national karatedo team sa Istanbul, Turkey sa susunod na linggo para sa isang two-month training camp.
Makakasama ni Lim sa pagbiyahe sina Ivan Agustin, Shariff Afif, Alwyn Batican at Jason Macaalay habang magmumula sina 2019 SEA Games gold medalist Junna Tsukii at Fil-Am Joane Orbon sa Japan at United States, ayon sa pagkakasunod.