MANILA, Philippines — Muling pupuntirya ng gold medal si 2021 Olympic Games-bound pole vaulter Ernest John Obiena sa kanyang pagsabak sa Copernicus Cup sa Pebrero 17 sa Torun, Poland.
Ilang araw lamang magpapahinga ang 6-foot-2 na si Obiena bago ang kanyang paglahok sa nasabing World Athletics Indoor Tour gold event.
Nanggaling ang national pole vaulter sa kampanya sa Orlen Cup Lodz sa Atlas Arena kung saan siya nagposte ng personal best na 5.86 metro para angkinin ang silver medal.
Kasabay nito ang pagposte niya ng bagong Philippine indoor pole vault record matapos burahin ang sariling national mark na 5.80m sa nakaraang ISTAF Berlin meet sa Germany.
“Mas gumanda iyong kanyang kumpiyansa sa larong ito,” ani national head coach Emerson Obiena, ang ama ng 2019 SEA Games gold medalist
Pinaghahanda ni Obiena ang 2021 Olympics sa Tokyo, Japan na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.