LOS ANGELES — Muli namang itinakas ni LeBron James ang nagdedepensang Lakers sa overtime sa ikatlong sunod na pagkakataon matapos muling talunin ang Oklahoma City Thunder, 114-113.
Tumapos si James na may 25 points, 7 assists at 6 rebounds para sa pang-anim na dikit na panalo ng Lakers (20-6) habang nagdagdag sina Montrezl Harrell at Dennis Schroder ng 20 at 19 markers, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Al Horford ang Thunder (10-14) sa kanyang 25 points.
Sa Phoenix, nagposte si Chris Paul ng 28 points, 7 assists at 3 boards para sa 125-124 pag-eskapo ng Suns (15-9) sa Milwaukee Bucks (16-9).
Sa Minneapolis, nagpasabog si Kawhi Leonard ng season-high 36 points habang may 27 markers si Lou Williams para sa 119-112 panalo ng Los Angeles Clippers (18-8) laban sa Minnesota Timberwolves (6-19).
Sa Denver, kumamada si Paul Millsap ng 22 points sa 133-95 paggiba ng Nuggets (13-11) sa Cleveland Cavaliers (10-16).
Sa Dallas, nagtala si Luka Doncic ng triple-double sa kanyang tinapos na 28 points, 10 assists at 10 rebounds para pamunuan ang Mavericks (12-14) sa 118-117 pagtakas sa Atlanta Hawks (11-13).
Sa New York, tumipa si Kyrie Irving ng 35 points para sa 104-94 pagdaig ng Brooklyn Nets (15-12) kontra sa Indiana Pacers (12-13).