Nagbunyi ang maraming Mobile Legends players at fans nang manalo ang Team Pilipinas Bren Esports sa M2 World Championships sa Singapore noong Enero 24. Tinalo nila ang 11 koponan na lumahok -- nag-uwi ng medalya at humigit kumulang P6 milyong piso.
Ngunit bago sila ginawarang kampeon, nakipagtagisan muna sila sa lower bracket bago tuluyang umusad sa finals round.
Mahusay ang ipinamalas na galing ng Bren Esport bagama’t inabot ng Game 7 ang kanilang laban sa championship kontra sa Burmese Ghouls ng Myanmar.
Unang nakuha ng Bren Esports ang Games 1 at 2 ngunit umarangkada naman sa Game 3-5 ang Burmese Ghouls. Pero hindi nagpalupig ang puso ng mga manlalarong Pinoy na sina CJ “Ribo” Ribo, David Charles “FlapTzy” Canon, Angelo Kyle “Pheww” Arcangel, Ejhay “Ejhay” Sambrano, Mico “Coco” Sampang at Karl “KarlTzy” Nepomuceno na nag-uwi ng P140 libong piso matapos hiranging Finals Most Valuable Player. Hindi ko rin lubos maisip kung gaano na-challenge ang coach nilang si Francis “Duckeyyy” Glindro sa napaka-tinding laban na ito.
Ako ay manlalaro ng volleyball ngunit malaki ang paghanga ko sa larong Mobile Legends at sa Bren Esports sapagkat nagdala rin ang koponang ito ng karangalan sa bansa noong nagwagi sila ng gintong medalya sa nakaraang 30th Southeast Asian Games taong 2019.
Dahil diyan, Bren Esports lang ang malakas!
Habang pinapanood silang tinatanggap ang tropeo at medalya noong araw na magkampeon sila, nasariwa ko ang pakiramdam nang pagkapanalo. Lalo akong nasasabik na muli nang makabalik sa paglalaro. Padayon Pilipinas, padayon mga atletang Filipino!