Mula sa Kuala Lumpur
MANILA, Philippines — Dahil hindi makauwi ng Pilipinas ay didiretso na si 2016 Rio de Janeiro silver medalist Hidilyn Diaz sa Tashkent, Uzbekistan mula sa Kuala Lumpur, Malaysia para sumabak sa kanyang ikaanim na torneo.
Makaraang kunin ang gold medal sa women’s 55-kilogram division ng 2019 Southeast Asian Games ay dumiretso si Diaz sa Kuala Lumpur para paghandaan ang pagsabak sa Olympic Games qualifying tournament.
Ngunit dahil sa ipinatupad na lockdown bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic ay hindi na nakabalik ng bansa ang 28-anyos na lady weightlifter.
Naniniwala si Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella na matutuloy ang nasabing pinakahuling qualifying tournament para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Ito ay sa kabila ng COVID-19 pandemic na nagpahinto sa mga Olympic qualifying tournaments noong nakaraang taon.
May pagkakataon na si Diaz na makamit ang kanyang ikaapat na Olympic berth sa paglahok niya sa nasabing qualifying event sa Tashkent sa Abril 15-25.
Anim na International Weightlifting Federation-sanctioned events ang kailangan ng World No. 2 ranked na masalihan para opisyal na maibulsa ang Olympic berth.
Maliban kay Diaz, lalahok din sa Olympic qualifying sa Tashkent sina 2019 SEA Games gold medalist Kristel Macrohon at 2016 Rio Olympics veteran Nestor Colonia kasama sina John Ceniza, Elreen Ando at Maryflor Diaz.