Samu’t saring balita ang lumalabas tungkol sa mga ligang PSL at PVL na magsisimula na sa buwan ng Marso at Abril. May mga balita pa ukol sa mga manlalarong lilipat ng teams - may ilang player mula sa PSL ang lilipat sa PVL at may players din mula sa PVL na lilipat ng PSL.
Kahit na maraming balita pa ang lumabas patungkol sa volleyball dito sa Pilipinas, hindi pa rin naman pinal ang lahat. Hindi pa talagang tiyak. Matitiyak lang ang lahat ng balitang kumakalat kung makapagsimula na talaga ng ensayo ang bawat koponan ng mga liga sa volleyball tulad ng Spiker’s Turf, PSL at PVL.
Sa ngayon, puro plano pa lang ang lahat wala pang aktuwal na aksyon. Bilang atleta ng volleyball, naghihintay ako kung kailan talaga matitiyak ang sinasabing ensayo. Katunayan, plano nang simulan ng club team kong F2 Logistics Cargo Movers ang ensayo ngayong huling Linggo ng Enero. Ngunit naghihintay pa kami na maaprubahan ang request sa gym na nais naming pag-ensayuhan.
Samantala, ang PSL ay tinatayang magsimula sa Marso at sa Abril naman ang PVL habang wala pang update kung kailan planong magsimula ang ligang Spiker’s Turf para sa men’s division.