6 Aces binalasa ang Fuel Masters

MANILA, Philippines  — Sa isang iglap ay nakabangon ang mga Aces mula sa 14-point deficit sa second half at pinigilan ang dalawang sunod na pana­nalasa ng mga Fuel Masters.

Humakot si power forward Vic Manuel ng 24 points, 7 rebounds at 3 assists para ihatid ang Alaska sa 105-97 paggupo sa Phoenix at dumiretso sa ikalawang dikit na ratsada sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.

Itinaas ng Aces ang kanilang baraha sa 5-3 para palakasin ang tsansa sa eight-team quarterfinals cast habang nalaglag ang kartada ng Fuel Masters, nagpaulan ng 11 three-point shots sa first half, sa 4-3.

“We really showed the resiliency. In every game there is always a different challenge,” wika ni coach Jeffrey Cariaso. “We knew that they’re gonna take a lot of threes. So we really have to defend it.”

Nagtuwang sina M­anuel at guard Mike DiGregorio sa fourth quarter para ibigay sa Alaska ang 84-80 sa pagsilip ng fourth quarter matapos ibaon ng Phoenix sa 20-34 sa pagbubukas ng second period.

Lalo pang iniwanan ng Aces ang Fuel Masters nang itayo ang 15-point advantage, 97-82, sa hu­ling 4:10 minuto ng laban galing sa basket ni Robbie Herndon.

Tumapos si DiGregorio na may 21 points para sa Alaska habang may 13 at 12 markers sina JVee Casio at Herndon, ayon sa pagkakasunod.

Nakahugot naman ang Phoenix kay Matthew Wright ng 27 points at may 18, 15 at 10 markers sina Calvin Abueva at Justin Chua ayon sa pagkakasunod.

Show comments