MANILA, Philippines — Matapos ang matagumpay na kampanya sa katatapos na French Open, umarangkada sa No. 2 spot si Alex Eala sa world ranking ng International Tennis Federation (ITF).
Mula sa ikaapat na puwesto, lumundag ng dalawang puwesto paangat si Eala para maging kauna-unahang Pilipino na may pinakamataas na world ranking sa kasaysayan ng Philippine tennis.
Mayroon nang 2,148.75 puntos si Eala kung saan nakakuha ito ng karagdagang 490 puntos nang makapasok ito sa semifinals ng girls’ singles sa French Open.
Nasungkit naman ni dating No. 7 Elsa Jacquemot ng France ang No. 1 spot sa world ranking bunsod ng nailista nitong 2,261.25 puntos.
Malaking puntos ang nasikwat ni Jacquemot nang magkampeon ito sa girls’ single ng French Open.
Si Jacquemot din ang tumalo kay Eala sa kanilang semifinal match. Mas matanda ng dalawang taon si Jacquemot kay Eala.
“Happy with my performance and thank you again for all your support! It has truly been an amazing week,” pahayag ni Eala sa kanyang social media account.
Maliban sa French Open points, malaki rin ang nakuhang puntos si Eala nang magkampeon ito sa girls’ doubles ng 2020 Australian Open noong Enero.
May 750 puntos itong nakuha sa doubles habang 180 puntos naman nang makapasok ito sa Round-of-16 ng singles event sa Australian Open.
Nahulog naman sa No. 3 si dating top player Victoria Jiménez ng Andorra.