MANILA, Philippines — Ang ilan niyang ginawang desisyon ang isa sa mga maaaring naging dahilan kung bakit tinanggal si Louie Alas ng Phoenix bilang head coach.
“Siguro during the game sa coaching siguro,” ani Alas kahapon sa panayam ng The Chasedown. “Puwede akong naging mas pasensyoso. Pero kung ginawa ko naman ‘yun hindi na ako si coach Louie kasi talagang intense ako mag-coach eh.”
Noong Biyernes ng gabi ay inihayag ng Fuel Masters ang pagsibak nila sa 56-anyos na si Alas kasabay ng paghirang kay Topex Robinson bilang interim coach.
Inaasahang hindi mababakante si Alas matapos niyang maihatid ang Fuel Masters sa semifinals sa unang pagkakataon bilang top-seeded team sa eliminasyon ng 2019 Philippine Cup.
Pinatawan si Alas ng Fuel Masters ng 15-day suspension dahil sa paglabag sa sarili nilang health at safety protocols nang magbalik-ensayo ang koponan.
Sa kanyang social media post ay pinasalamatan ni Alas ang Phoenix management.