MANILA, Philippines — Hindi ikinakaila ni Games and Amusements Board (GAB) chairman Abraham Mitra na malapit sa kanyang puso ang boxing.
Ngunit nagulat siya nang hindi isama ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang professional boxing sa professional basketball at football na pinayagang magbalik sa training at conditioning.
“Sa ngayon parang wala pa eh. When I asked the DOH (Department of Health) after the (IATF) meeting ang sabi nila parang may question pa sila sa testing,” wika ni Mitra.
“Sabi ko the IATF already approved it so dapat ilabas na nila iyan at iyong mga guidelines ay isunod na lang. So okay lang, hintayin na lang natin, hindi naman tayo nagmamadali,” dagdag pa ng GAB chief.
Noong nakaraang linggo ay binigyan ng IATF ng ‘go signal’ ang Philippine Basketball Association (PBA), Philippine Football League (PFL) at ang Philippine 3x3 national team para magbalik-ensayo.
Ito ay kahit nasa general community quarantine (GCQ) pa rin ang Metro Manila dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Mitra, dating Palawan Governor, nasa proseso na sila ng paglalatag ng protocols para mapayagan ng IATF na magbalik-ensayo ang mga professional boxers at iba pang contact sports.
Kabilang dito ay ang pagsailalim ng mga pro boxers sa COVID-19 testing at mga closed-door fights sakaling payagan na ang mga boxing bouts.
Sa United States, pinayagan na ang mga professional boxing matches na tinampukan ng panalo nina super bantamweight ‘Magic’ Mike Plania at super lightweight Reymond Yanong sa Las Vegas, Nevada.