MANILA, Philippines — Kasabay ng pagluluwag ng gobyerno sa mga protocols para sa pagharap sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic ay ang unti-unting pagbangon ng professional sports.
Dahan-dahan na ring binubuksan ng Games and Amusement Board (GAB) ang pintuan para sa pangangailangan ng mga atletang Pinoy. Pinamunuan ni GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, kasama sina Commissioners Eduard Trinidad at Mat Masanguid, ang konsultasyon at pakikipagpulong sa mga division heads.
“Kailangan ang mahigpit na pag-iingat,” ani Mitra. “While the government already imposed general community quarantine (GCQ) in Metro Manila, focus pa rin tayo sa safety and security ng ating mga kababayan, including our workforce, athletes, and stakeholders.”
Kagaya ng iba pang sector na nagsimula na ring magbalik sa gawain, handa na rin ang GAB na paglingkuran ang mga atleta sa kanilang pagbabalik sa normal na pamumuhay.
“So far, may request na kaming natatanggap para sa pagbabalik ng pro football, gayundin sa basketball at combat sports tulad ng boxing, muay thai at mixed martial arts,” ani Mitra.
Hiniling naman ng GAB sa mga pro boxers na manatiling mahinahon at ipagpatuloy ang pagsasanay para masigurong handa ang kanilang mga pangangatawan at kaisipan.
Sa kasagsagan ng ECQ ay nakipag-ugnayan ang GAB sa DSWD para maisama sa mabibigyan ng SAC ang mga boxers, trainers at coach.