Sa Coach of the Year Award Austria tinalo si Cone

MANILA, Philippines — Sa ikaapat na pagkakataon ay hinirang si Leo Austria ng San Miguel bilang Coach of the Year ng PBA Press Corps.

Ibibigay sa 62-anyos na si Austria ang prestihiyosong Virgilio ‘Baby’ Dalupan trophy sa annual PBA Press Corps Awards ceremony.

Tinalo ni Austria si Barangay Ginebra coaching great Tim Cone para sa karangalan na ipinangalan sa tinaguriang ‘The Maestro’ ng Philippine basketball.

Ipinagpaliban ang nasabing awarding ceremony, orihinal na itinakda noong Marso 16 sa Novotel Manila sa Araneta Center at isasaere ng Cignal TV, dahil sa coronavirus pandemic.

Iginiya ni Austria, ang 1985 PBA Rookie of the Year, ang mga Beermen sa back-to-back championships noong 2019 season na tinampukan ng record na pang-limang sunod na Philippine Cup.

Matapos pagharian ang 2019 PBA Commissioner’s Cup ay nadiskaril ang hangad na Grand Slam ng San Miguel makaraang sibakin ng Ginebra sa quarterfinals ng 2019 Governors Cup.

Walong korona ang naibigay ng Austria sa mga Beermen sapul nang umupo sa bench noong 2014.

Gumawa ng kasaysayan ang tubong Sariaya, Quezon noong 2017 nang maging unang mentor na nanalo ng nasabing Perpetual Trophy, unang iginawad noong 1993, ng tatlong sunod na taon. Noong 2018 ay natalo siya kay Chito Victolero ng Magnolia.

Iniwanan ni Austria sa paramihan ng PBAPC Coach of the Year title para sa No. 2 seat sa all-time winning list sina Cone at Ryan Gregorio habang si Chot Reyes ang tanging five-time winner ng naturang tropeo.

Show comments