MANILA, Philippines — Sa pagsisimula ng kanyang coaching career ay hinawakan ni Phoenix mentor Louie Alas ang high school team ng St. Francis of Assisi College sa NCRAA (National Capital Region Athletic Association).
Nasa kanyang unang taon sa paggiya sa SFAC Junior Doves, inirekomenda ang dating 14-anyos na si Ranidel De Ocampo kay Alas.
“Si Horacio (Lim) ang nag-recommend sa akin sa SFAC noong umalis siya,” pagbabalik-tanaw ni Alas. “Second year ko noong dumating si Ranidel.”
Humanga si Alas sa dating 6-foot-1 na si De Ocampo.
“Sobrang bata pa niya noon, pero makikita mo mahaba ang kamay at tsaka mabilis para sa height niya,” ani Alas sa tubong Tanza, Cavite. “May athleticism siya. Feeling mo mabagal pero isang hakbang niya dalawa na pala.”
Kasama ang kuyang si Yancy, natulungan ni De Ocampo si Alas na maibigay sa Junior Doves ang dalawang NCRAA high school titles.
Sa kanyang ikaapat na taon ay nagpasya si Alas na iwanan ang Junior Doves para tutukan ang kanyang pagiging assistant ni coach Eric Altamirano sa Purefoods sa PBA.
Nang umakyat si De Ocampo sa PBA ay umasa si Alas na magkakaroon sila ng reunion, lalo na nang maging head coach siya ng Fuel Masters tatlong taon na ang nakakalipas.
Noong 2017 bago mailuklok si Alas bilang coach ng Fuel Masters ay nakasama si De Ocampo sa isang three-team trade sangkot ang Phoenix, TNT Katropa at Meralco.
Para makuha si De Ocampo mula sa Tropang Texters ay ibinigay ng Fuel Masters si big man Norbert Torres at kanilang 2017 first round pick bago dinala ang veteran forward sa Bolts kapalit ni 6’6 Justin Chua at isang first round pick.