Laylo inangking ang 4th leg

Darwin Laylo
STAR/File

MANILA, Philippines — Nakipag-draw si Grand Master Darwin Laylo kay FIDE Master Alekhine Nouri sa 11th at final round para pagharian ang fourth leg ng Cesar Orbe Memorial Chess 960 Series via online kamakalawa ng gabi.

Tumapos ang 39-anyos na si Laylo na may 9.0 points mula sa pitong pa­nalo at apat na draws para angkinin ang una niyang online title sa torneong i­norganisa ni National Chess Federation of the Philippines executive director Cliburn Orbe.

Nakasama ang Army man sa isang elite club nina leg champions GM Joey Antonio, naghari sa first at third legs, at Asian Para Games gold meda­list FM Sander Severino, nanguna sa second leg.

Sumegunda kay Laylo ang 14-anyos na si Nouri na nagtala ng 8.5 points.

Si Nouri ay tinalo ni IM John Marvin Miciano sa opening round.

Nakatabla naman ni Antonio, binigo si FM Dino Ballecer sa last round, si IM Daniel Quizon, dinaig si IM Joel Pimentel, sa magka­tulad nilang 8.0 points.

Ngunit nahablot ni Antonio ang No. 3 spot dahil sa kanyang mas mataas na tiebreak, 51.25-44.5.

Ang iba pang tumapos sa top 10 ay sina Miciano, Severino, Bong Anas, Fritz Porras, John Michael Silvederio at Ballecer.

Show comments