MANILA, Philippines — Mula sa basketball court ay nagkukurba ngayon ng kanyang pangalan sa pulitika si dating PBA superstar Vergel Meneses.
Kasalukuyang nilalabanan ng tinaguriang ‘Aerial Voyager’ ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic bilang Alkalde ng Bulakan, Bulacan.
Kagaya sa 14 taon niyang paglalaro sa PBA ay matapang na hinaharap ngayon ng 51-anyos na si Meneses ang COVID-19.
Nakatakdang igawad ng PBA Press Corps sa three-time PBA championship ang President’s Award sa kanilang itatakdang annual awards night.
Tatayo ring guest of honor at speaker si Meneses, kasama sa 40 Greatest Players ng league history, sa event na orihinal na itinakda noong Marso 16 sa Novotel Manila sa Araneta Center at isasa-ere ng Cignal TV bago ipinagpaliban bunga ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon dahil sa COVID-19.
Isang two-time Mythical First Team member at three-time Best Player of the Conference, si Meneses ang ikalawang tatanggap ng PBAPC President’s Award matapos igawad sa PBA Board na pinamumunuan ni chairman Ricky Vargas noong 2018.
Sa edad na 18-anyos at kamador ng Heavy Bombers sa NCAA ay umagaw ng atensyon si Meneses nang sapawan sina Jojo Lastimosa, Alvin Patrimonio, Bong Alvarez at Nelson Asaytono noong 1987 PABL Freedom Cup slam dunk contest.
Noon 1992 PBA Draft ay hinirang siyang No. 1 overall pick ng Presto bago nakapaglaro sa Sta. Lucia at Swift na iginiya sa tatlong PBA crowns kabilang ang back-to-back titles (Phi-lippine Cup at Commissioner’s Cup) noong 1995 kung saan siya hinirang na PBA MVP.
Naglaro rin ang two-time slam dunk champion at four-time All-Star MVP para sa Barangay Ginebra, FedEx, Red Bull at Talk ‘N Text. Ang kanyang No. 18 jersey ay iniretiro ng Air21 Express noong 2006.
Tinapos niya ang kanyang PBA career na may 9,453 career points sa loob ng 590 games tampok ang mga averages na 16.0 points, 3.2 rebounds at 3.6 assists.
Apat na taon matapos magretiro ay hinirang si Meneses na head coach ng JRU na inihatid niya sa limang Final Four sa NCAA.