MANILA, Philippines — Nagsalita na si American boxing promoter Shelly Finkel matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa usaping pagpasok ni Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial sa professional boxing.
Nilinaw ni Finkel na wala itong balak hatakin si Marcial sa direksiyong tinatahak nito patungo sa tangkang masungkit ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games.
Iginiit ng boxing promoter na suportado nito ng buong-buo ang layunin ni Marcial na manatili muna sa amateur boxing dahil nais nitong matupad ang kanyang pangarap at pangarap ng buong Pilipinas - ang gintong medalya.
Wala aniyang katotohanan na kukunin nito si Marcial habang nasa kasagsagan ng kanyang paghahanda para sa Olympic Games.
“The goal is to make sure Eumir fights in the Olympics,” ani Finkel sa panayam ng Philboxing.
Isa si Finkel sa mga naglutangang pangalan na umano’y nanliligaw kay Marcial para sumalang muna sa pro boxing habang naghihintay ng Olympic Games.
Magugunitang nagdesisyon ang International Olympic Commitee (IOC) at Tokyo Olympics Organizing Committee na ipagpaliban ang Tokyo Games na nakatakda sana sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.
Sa halip, sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa susunod na ito idaraos.
Mahigit isang taon pa ang hihintayin ni Marcial bago sumalang sa Tokyo Games.
Iginiit naman ni Marcial na wala muna sa isip nito ang professional boxing.
Nakasentro ang kanyang buong atensiyon sa inaasam na medalya sa Olympics.