Basilan, Makati masaya sa narating na kampanya sa MPBL Lakan Cup

MANILA, Philippines — Kahit ano pa man ang ma­ging resulta sa magka­hi­walay na Division Finals, matagumpay na rin ang kam­panya ng  Basilan Steel at Makati Super Crunch sa 2019-2020 MPBL-Chooks-to-Go Lakan Cup.

Hindi inaasahan na aabot ang Basilan Steel sa best-of-three Finals ng Southern Division makaraang tumapos lamang ang tropa ni head coach Jerson Cabiltes sa pang-12th spot sa 7-18 kartada sa nakalipas na Datu Cup.

Bukod sa pagtuntong sa Finals ay inunahan pa ng Basilan ang Datu Cup South Division champion Davao Occidental Tigers, 1-0, matapos makaeskapo sa Game 1 ng serye, 74-72, noong Lunes sa homecourt mismo ng katunggali.

Sinabi ni coach Cabiltes at team manager Jackson Chua na malakas na ang tiwala ng buong koponan na masungkit ang una ni­lang titulo sa South group sa Game Two ng serye sa kanila ring teritoryo.

Inaasahan din nina Ba­si­lan Rep. Mujiv Hataman, Lamitan Mayor Julz Hataman, Councilor Hegem Furigay at Jimmy de la Cruz ng Jumbo Plastics ang dagsa ng kanilang taga-suporta sa laro na gaganapin sa Lamitan City Gym na siyang sasandalan ng buong koponan sa Miyerkules.

Ang Basilan at Davao Ti­gers ay kasalukuyang nag­lalaban habang isinu­su­lat ang istoryang ito.

Ang Makati naman ay umangat sa Northern Division Finals sa unang pag­ka­­kataon matapos walisin ng Quezon City Capitals, 2-0, sa quarterfinals ng Da­­­tu Cup Conference na pi­­nagharian ng San Juan Knights.

Kasalukuyang nagla-la­ro rin ang Makati at San Juan habang sinusulat ang istoryang ito sa teritoryo ng huli sa Makati Coliseum.

Show comments