Mikey Garcia kabado kay Pacquiao?

MANILA, Philippines — Hindi birong kalaban ang isang legendary boxer gaya ni Manny Pacquiao na nagtataglay ng malalim na karanasan at ilang world titles na nakapatong sa ulo.

Kaya naman ngayon pa lang, aminado na si veteran trainer Robert Garcia na mahihirapan ng husto ang kanyang nakababatang kapatid na si Mikey sa oras na maikasa ang laban nito kay Pacquiao.

“It’s very, very dange­rous for Mikey because Manny is very fast and very strong,” ani Robert.

Ipinunto ni Robert ang nakita nitong galaw ni Pacquiao sa kanyang huling dalawang laban noong 2019 - kontra kina Adrien Broner noong Enero at laban kay Keith Thurman noong Hulyo.

Kitang-kita na sa edad na 40-anyos, lutang na lutang pa rin ang bagsik ni Pacquiao na kayang magpabagsak ng mga mas batang boxers.  Nagdiwang ng ika-41 kaarawan si Pacquiao noong Disyembre.

“It’s not going to be easy for Mikey. Manny’s a legend and at 41, he dominated Thurman the way he did,” ani Robert.

Kung matutuloy ang laban, maraming dapat plantsahin si Robert sa galaw ni Mikey.

At kung magiging pulido ang bawat galaw nito, naniniwala si Robert na kayang kaya ni Mikey na talunin ang Pinoy champion.

Sariwa pa si Mikey sa unanimous decision win kay Jessie Vargas noong nakaraang linggo.

Show comments