MANILA, Philippines — Agad nagparamdam ang Cignal HD matapos patumbahin ang Generika-Ayala, 19-25, 25-18, 25-20, 25-20, sa pagpapatuloy ng 2020 Philippine Superliga Grand Prix sa Strike Gym sa Bacoor City, Cavite.
Bagama’t dumating lamang sa bansa noong Sabado, nagpamalas si Simon Liannes Castañeda ng husay para ibigay sa HD Spikers ang magandang umpisa sa import-lader Grand Prix.
Tumapos ang Cuban player na si Castañeda ng 29 puntos, 24 nito mula sa atake.
“Well I’m very happy. Actually, she (Castañeda) barely had any sleep, but she did her best for our team,” pahayag ni Cignal coach Edgar Barroga.
Nalampasan ng HD Spikers ang mabagal na simula nang maunahan sila sa unang set ng Lifesavers pero bumawi naman sa ikalawa at hindi na nila binitiwan ang trangko hanggang matapos ang laro.
“She’s a reliable import and I put my complete trust on her. In the first set we were trying to get the right mix of things, then after the first set we looked at our defense pattern. From there we did our adjustments and the result was good,”dagdag ni Barroga.
Bukod kay Castañeda, umani rin ng 14 puntos si Alohi Robins-Hardy habang nag-ambag sina Ranya Musa at Roselyn Doria ng kabuuang 13 puntos sa laro na umabot sa mahigit dalawang oras.
Pinangunahan naman ng isa pang Cuban import na si Elizabeth Vicet Campos sa kanyang 21 puntos ang Generika-Ayala at 13 naman mula kay Eli Soyud para sa Lifesavers na nakalasap ng kanilang ikalawang sunod na talo matapos matalo sa Petron, 25-22, 25-22, 25-21, sa opening noong Sabado.