Camingao sa stage 5
ANTIPOLO City, Philippines — Sumabay si Standard Insurance-Navy rider George Oconer sa kanyang teammates na tumawid sa meta upang maagaw ang Red Jersey kahapon sa Stage 5 ng LBC Ronda Pilipinas, 2020 na nagsimula sa Lucena City.
Kasama ang 28-anyos na si Oconer sa anim na Navy riders na dumating sa meta habang ang may suot ng Red Jersey na si Mark Julius Bordeos ng Bicycology Shop-Army ay dumating na pang 24.
Mahigit limang minuto ang lamang ni Oconer kay Bordeos sa datingan kaya naagaw nito ang overall individual classification.
Nakalikom ang anak ni two-time Olympian Norberto ng 17 oras, 54 minuto at 13 segundo matapos ang limang stages sa event na suportado ng LBC at inisponsoran ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation kasama ang Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.
Nagwagi ng stage si John Mark Camingao, pangalawa si 2018 champion Ronald Oranza, tersero si Junrey Navarra, pang-apat si El Joshua Carino, Pang-lima si stage 4 winner Ronald Lomotos at pang-anim si Oconer.
Gumalaw ang Navy sa unang walong kilometro ng laban, ang plano ay sumunod lang ayon sa 27-anyos na si Oranza pero nabaliktad at nag-iba ng diskarte.
“Iba ‘yung game plan namin, susunod lang talaga kami pero nabaliktad kaya sabi ko sa mga kasama ko, trabaho tayo para makuha natin itong stage,” pahayag ng Villasis, Pangasinan native, na si Oranza.
Pare-parehong oras ang naitala ng anim na Navy, nirehistro nila ang tatlong oras, 12 minuto at 50 segundo sa 128.5 km race.
Bukas isusuot ni Oconer ang Red Jersey sa 111.9km Tarlac-Tarlac Stage Six.