SAN JUAN, Philippines — Handa si power-hitting American import Kath Bell na gawin ang lahat upang mapanatili sa kampo ng Petron ang korona ng Philippine Superliga Grand Prix na magsisimula sa Pebrero 29 sa The Arena sa San Juan City.
Aminado ang 2019 PSL Grand Prix Best Outside Hitter na nagulat ito sa mga pagbabagong naganap sa edisyong ito partikular na ang pagkawala ng ilang key players.
Wala na sina Blaze Spikers middle hitter Mika Reyes, playmaker Rhea Dimaculangan at libero Denden Lazaro na lumipat sa ibang koponan gayundin sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons na nakatuon sa beach volleyball campaign.
Isa pang pagbabago sa edisyong ito ang pagpapahintulot ng liga na isang foreign guest player lamang ang maaaring kunin ng bawat koponan.
Pinalitan din si dating head coach Shaq Delos Santos ni veteran mentor Emil Lontoc.
Sa kabila ng mga pagbabago, nais ni Bell na ituon ang kanyang atensiyon sa isang bagay - ang muling makuha ang titulo para sa liga.
Dalawang titulo na ang hawak ni Bell sa Petron.
Kasama ni Bell si Lindsay Stalzer sa pagkopo ng 2018 Grand Prix crown habang nakipagsanib-puwersa ito kay Stephanie Niemer noong 2019 sa pagsikwat ng korona.