MANILA, Philippines — Desidido si World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero na maipaghiganti si Filipino-American fighter Nonito Donaire Jr. kay unified world titleholder Naoya Inoue.
Nakatakda ang bakbakan nina Casimero at Inoue sa Abril 25 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
At handa si Casimero na pabagsakin ang International Boxing Federation at World Boxing Association bantamweight titlist na si Inoue upang matamis na makuha ang panalo kasama ang mga hawak nitong korona.
Tiwala si Casimero na magagawa nito ang knockout win dahil nasa perpektong kundisyon ang kanyang pangangatawan.
Alam din ni Casimero na nahirapan ng husto si Inoue kay Donaire nang magharap ang dalawa noong Nobyembre 7 sa bantamweight finals ng World Boxing Super Series na ginanap sa Saitama, Japan.
“Alog na yun (Inoue) kaya alam kong mapapabagsak ko talaga yun. Kaya kailangan kong tapusin na talaga siya (pag nagharap kami),” ani Casimero.
Sa katunayan, malalakas na suntok ang tinanggap ni Inoue mula kay Donaire dahilan para magtamo ito ng injury sa kanang mata (orbital bone).
“Kung ako ang tumama ng suntok na yun sa kanya (Inoue) talagang babagsak siya,” ani Casimero.
Sa kabila ng pagyayabang, nilinaw ni Casimero na hindi nito minamaliit ang kakayahan ni Inoue dahil armado rin ito ng malakas na kamao at malalim na karanasan.