Reyna ng Milo marathon; hari naman si Zabala
MANILA, Philippines — Pinatunayan ni Christine Hallasgo na siya na talaga ang reyna ng Philippine marathon habang inangkin naman ni Jerald Zabala ang men’s title sa 2019 Milo Marathon National Finals kahapon sa Tarlac Plazaela sa Tarlac City.
Matapos ang kanyang runner-up finish noong nakaraang taon, siniguro ni Zabala na masisikwat na niya ang korona sa men’s division sa dalawang oras, 31 minuto at 16 segundo, mahigit sampung talampakan ang agwat mula sa second finisher na si Richard Salano at third placer Jeson Agravante na nagtala ng 2:31.55.
“Ito pa lamang ang unang pagkakataon na nanalo ako rito sa Milo bilang marathon King. Ang dami ng tao kaya hindi ako natatakot sa takbuhan kundi sa dami ng tao,” pahayag ng 31-anyos na si Zabala.
Malaking bagay na rin para kay Cagayan de Oro-native Zabala ang malaking panalo makaraang tumapos lamang sa fifth place sa nakalipas na 30th Southeast Asian Games noong nakaraang buwan.
Sa ikalawang pagkakataon naman, muling tinalo ni Hallasgo ang paboritong si Mary Joy Tabal ng Cebu, matapos ang kanyang panalo sa 2019 SEAG kung saan itinakas niya ang gintong medalya.
Nag-oras si Hallasgo ng 2:52:23 para angkinin ang korona bilang Milo marathon queen at muling nilaglag si Tabal sa ikalawang puwesto. Si Tabal ay nagtala ng 2:58:49 habang ikatlo naman si dating Milo champion Christabel Martes sa 3:05:40.
Hindi naman malayo ang Malaybalay, Bukidnon-native na si Hallasgo sa kanyang SEAG time na 2:56:56 habang napanatili naman ni Tabal ang kanyang 2019 SEAG silver medal time na 2:58:49 malayo sa kanyang 2017 SEAG gold medal time na 2:48:26 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Hindi ko talaga inaasahan na muling tatalunin ko ang idol ko na si Joy Tabal. Siguro naging positibo lamang ako sa pananaw ko. Ginawa ko lang ang lahat para mananalo,” ani Hallasgo.