Pinoy boxers naghahanda na para sa 2020 Olympics

MANILA, Philippines — Nakatakdang umalis ngayong araw ang national boxing team patungong Bangkok, Thailand upang sumailalim sa dalawang linggong training camp para paghandaan ang 2020 Olympic Games.

Nangunguna sa listahan si World Championship silver medalist at three-time Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial (middleweight) kasama sina SEA Games gold medallists Carlo Paalam (light flyweight), Rogen Ladon (flyweight) at James Palicte (light welterweight).

Kasama rin sina Marjon Pianar (welterweight) at Ian Clark Bautista (bantamweight) gayundin sina national team coaches Ronald Chavez at Roel Velasco, at Australian consultant Don Abett.

Ang naturang camp ay bahagi ng preparasyon ng Pinoy boxers para sa dalawang Olympic qualifying na lalahukan nito.

Unang idaraos ang 2020 Asia-Oceania Olympic qualifying tournament sa Pebrero 3 hanggang 14 sa Wuhan, China habang ang isa pang Olympic qualifying event ay gaganapin sa Europa.

Wala pang petsa at lugar na itinalaga ang International Olympic Committee na siyang hahawak sa boxing competitions sa halip na ang International Boxing Association (AIBA).

Show comments