MANILA, Philippines — Magiging abala ang makasaysayang Rizal Memorial Coliseum ngayong taon.
Sinabi kahapon ni Philippine Sports Commission chairman William Ramirez na ilang events ang nakalinya para sa paggamit ng RMC na kanilang ipinaayos at pinaganda bago ang 30th Southeast Asian Games noong nakaraang taon.
“We are very optimistic. There are a lot of events lined up in our calendar and we are excited to host them here inside this historical coliseum,” ani Ramirez.
Noong Hulyo sinimulan ang pagpapaayos at pagpapaganda sa mga pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex, kasama rito ang RMC, bilang bahagi ng masterplan ng sports agency.
Lima sa kabuuang 56 sports events ng 2019 SEA Games ay idinaos sa nasabing 93-year-old complex.
Ang gymnastics competitions ay ginawa sa RMC, isang 6,100 seating indoor arena, dating main sporting hub para sa mga laro ng University Athletic Association of the Philippines, National Collegiate Athletic Association at PBA.
Inaasahan ni Ramirez na babalik sa RMC ang nasabing tatlong liga ngayong taon.
Ipagdiriwang ng PSC ngayong buwan ang kanilang ika-30 anibersaryo kung saan mag-oorganisa ang local sports body ng isang simple ngunit makahulugang event sa RMC.
“This is a milestone for PSC. As we celebrate our 30th year, we want it to be inside the Rizal Coliseum which has seen many significant events in Philippine Sports,” wika ni Ramirez.
Maliban sa 30th anniversary ay plano rin ng komisyon na idaos ang 2020 Batang Pinoy at Philippine National Games sa loob ng RMSC at sa Philsports Complex sa Pasig City.
Ito ang magiging unang pagsasagawa ng Batang Pinoy sa Manila sa nakaraang 11 edisyon.
Samantala, gagamitin din ng sports agency ang RMC para sa pagdaraos ng Philippine Sports Hall of Fame na nagbibigay ng parangal sa mga Filipino sports greats.