MANILA, Philippines — Asam ng University of Perpetual Help Junior Altas ang ika-anim na sunod na titulo sa Season 95 NCAA volleyball tournament na mag-uumpisa na bukas sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Pangungunahan ng mga Grade 12 sensations na si Noel Michael Kampton at Perpetual Junior Altas coaches Sandy Rieta at Jason Sapin ang kampanya ng UPHSD high school team.
Hangad ng 19 anyos at 6’2 na si Kampton na matapos ang career sa juniors division dala ang six-peat na tagumpay.
Si Kampton ay nag-averaged ng 15 puntos kada laro sa Season 94 kung saan hinirang siya bilang 2nd best outside spiker.
‘As of now, we are in conditioning and training eager to get the six consecutive championship, para maganda ang exit namin sa Perpetual, since ako, together with Season 93 MVP Kirth Rosos, Dominique Gabito, Derick Germono, Kharyle Parce are all graduating this April 2020,” pahayag ni Kampton.
Ang Perpetual Junior Altas volleyball team ay naka-ukit na ng kabuuang 11 korona sa loob ng 35 taon sa liga kabilang na ang apat sunod na championships noong 1987, 1988, 1989 at 1990.
Nakamit din nila ang back-to-back title noong 2009 at 2010 bukod sa limang sunod mula 2014, 2015, 2016, 2017 at 2018 sa pangangalaga nina Caviteño coaches Sandy Rieta at Jason Sapin.