MANILA, Philippines — Ipinaramdam ng Union Bell ang kahandaan sa 2020 Triple Crown series matapos dominahin ang 2019 Philippine Racing Commission’s Juvenile Championship kamakailan sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Iginiya ni jockey Jonathan B. Hernandez ang Union Bell, anak ng Union Rags at Tocqueville, sa ikaapat na sunod na panalo sa Juvenile series para sa mga two-year-old horses.
Itinakbo ng Union Bell ang championship purse na P1.5 milyon para kay owner Elmer de Leon.
Inumpisahan ng two-year-old colt ang winning streak sa five-length win sa 1st leg ng Juvenile Fillies and Colts Stakes Race noong Oktubre sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.
Isinunod ng Union Bell ang 2nd leg sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas noong Nobyembre at ang Juvenile Colts Stakes Race sa San Lazaro Leisure Park noong Disyembre.
“Ready na ito sa Triple Crown, mas magaling ito next year,” sabi ni Hernandez sa Union Bell.
Inabutan ng Union Bell ang After Party sa 700-meter mark kasabay ang Exponential para sa three-way battle.
Ngunit nakawala ang Union Bell sa huling 600 meters para sa five-length victory sa oras na 1:42.8 na may quartertimes na 24, 25, 26, 27 segundo.
Sumegunda ang Exponential (jockey PM Cabalejo, owner Raymund Puyat) para sa premyong P562,500 kasunod ang terserang Lucky Savings (jockey JA Guce, owner Antonio Coyco) para sa P312,000.