Tunay na maningning ang taong ito para sa Philippine Sports

Top 10 stories

MANILA, Philippines — Bumuhos ang tagumpay ng mga Pinoy athletes para muling iwagayway ang bandila ng Pilipinas sa iba’t ibang panig ng mundo.

1. SEA Games overall champion

Nangunguna na sa listahan ang matamis na pagkopo ng Team Philippines sa overall chamionship title sa 2019 Southeast Asian Games kung saan nagbulsa ang host team ng 149 ginto, 117 pilak at 121 tansong medalya.

Pinakamaningning ang arnis na humakot ng 14 gintong medalya kasunod ang athletics na may 11 ginto at dancesport na may 10 ginto. Walo naman sa taekwondo, pito sa wushu at boxing at anim naman sa obstacle racing at skateboarding.

Ito ang ikalawang overall title ng Pilipinas sa biennial meet matapos tanghaling kampeon noong 2005 Manila SEA Games.

2. Manny Pacquiao

Hindi mawawala si eight-division world champion Manny Pacquiao na pinatunayang may ibubuga pa ito sa mundo ng boksing sa kabila ng kanyang edad na 41-anyos.

Naitarak ni Pacquiao ang unanimous decision win kay Adrien Broner noong Enero kasunod ang split decision win kay Keith Thurman noong Hulyo para ma­panatili ang kanyang World Boxing Association (WBA) welterweight title.

3. Carlos Yulo

Gumawa rin ng ingay si world champion Carlos Edriel Yulo na umani ng gintong medalya sa men’s floor exercise sa 49th FIG World Artistic Gymnastics Cham­pionships na ginanap sa Stuttgart, Germany.

Si Yulo ang kauna-unahang Southeast Asian gymnast na nakasungkit ng gintong medalya sa prestihiyosong world meet. Ang panalo rin nito sa Germany ang nagbigay-daan para makahirit ng tiket sa 2020 Tokyo Olympics.

Humakot din si Yulo ng dalawang ginto at limang pilak na medalya sa SEA Games.

4. Nesthy Petecio

Isa pang bagong Pinoy world champion ang itinanghal sa taong 2019 sa ngalan ni Nesthy Petecio na pinagreynahan ang women’s featherweight division sa 2019 AIBA Women’s World Boxing Championship na ginanap sa Russia.

Hindi madali ang pinagdaanan ni Petecio.

Isa-isa nitong pinatalsik sina Jucielen Romeu ng Brazil (3-2), Stanimira Petrova ng Bilgaria (3-2), Qiao Jieru ng China (3-2), Sena Irie ngJapan (4-1) at Karriss Artingstall ng England (4-1) bago iginupo si Liudmila Vorontsova ng Russia sa final sa pamamagitan ng 3-2 desisyon.

5. Ernest John Obiena

Matapos magtamo ng anterior cruciate ligament (ACL) injury noong 2017, nakabalik sa porma si Ernest John Obiena kung saan humakot ito ng gintong medalya sa iba’t ibang torneo kabilang ang ginto sa 2019 Summer World University Games sa Naples, Italy.

Nagwagi rin si Obiena sa isang tournament sa C­hiara, Italy na naging daan nito para makasungkit ng tiket sa 2020 Tokyo Olympics.

Nagtala rin si Obiena ng bagong SEA Games record nang magsumite ito ng 5.45 metro para wasakin ang 5.35m ni Porranot Purahong ng Thailand noong 2017 edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia.

6. Jerwin Ancajas

Patuloy ang pag-angat ng pangalan ni Jerwin Ancajas sa mundo ng boksing.

Dalawang knockout wins ang nairehistro ni Ancajas para madepensahan ang International Boxing Federation junior bantamweight title.

Unang nailista ni Ancajas ang sixth-round knockout win kay Ryuichi Funai ng Japan noong Mayo sa California kasunod ang isa pang sixth-round stoppage kay Miguel Gonzalez ng Chile noong Disyembre sa Mexico.

7. Roger Casugay

Kapuri-puri ang kabayanihang ipinamalas ni Roger Casugay sa 2019 Southeast Asian Games.

Ini-angat ng husto ni Casugay sa buong mundo ang magandang kaugalian ng mga Pilipino.

Walang pakialam si Casugay kung hindi man ito manalo dahil ang tanging nasa isip nito ay masagip ang Indonesian rival na si Arip Nurhidiyat.

Kaya naman bumuhos ang papuri kay Casugay dahil sa kanyang kabayanihan.

Sa katunayan, mismong si Indonesian president Joko Widodo ang nagpasalamat kay Casugay sa magandang asal nito.

8. Men’s volleyball team

Nakabalik sa finals ang men’s volleyball team sa Southeast Asian Games matapos ang apat na dekadang paghihintay.

Bagama’t natalo ito sa gold-medal match laban sa Indonesia, maitutu­ring pa rin itong tagumpay sa mundo ng volleyball dahil ito ang magsisilbing pundasyon para muling mabuhay ang interes ng publiko sa men’s volleyball.

Magugunitang huling umabante sa gold-medal match ang Pinoy spikers noon pang 1977 kung saan natalo ang Pilipinas sa Myanmar para magkasya sa pilak na medalya.

9. Women’s basketball

Sa kauna-unahang pagkakataon, nasikwat ng Pilipinas ang gintong medalya sa women’s division kung saan inilampaso ng Gilas Women ang Thailand sa pamamagitan ng 91-71 desisyon sa finals.

Naging doble ang selebrasyon dahil nakuha rin ng Gilas Women ang ginto sa 3x3 event.

Sumalo ang Gilas Wo­men sa tagumpay ng Gilas Pilipinas na winalis din ang ginto sa 3x3 at 5x5 events.

10. Alexandra Eala

Buhay na buhay ang pangalan ng Pilipinas sa tennis world dahil kay Ale­xandra Eala.

Pasok sa Top 10 ng world ranking si Eala sa listahan ng International Tennis Federation (ITF) girls division.

Mula sa ika-13 puwesto noong Oktubre, umakyat sa ika-10 si Eala matapos ang impresibong kam­panya sa mga international competitions.

Nakalikom si Eala ng kabuuang 1,452.5 puntos para makisosyo sa No. 10 kasama si Maria Camila Osorio Serrano ng Colombia na may parehong nakolektang puntos.

Si Eala ang pinakabatang manlalaro sa Top 10 sa edad na 14-anyos.

 

Show comments