MANILA, Philippines — Inilampaso ng Bataan Risers ang Basilan Steel, 91-83, upang palakasin ang tsansang makapasok sa playoff round sa pagpapatuloy ng Chooks to Go-Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup sa Bataan People’s Center sa Balanga, Bataan.
Muntik pang masayang ang 20 puntos bentahe ng Bataan pagkatapos ng ikatlong yugto ng humataw si Allen Bulanadi ng 16 sa kanyang kabuuang 23 puntos para ilapit ang Basilan sa 83-89, ngunit umiskor si Joseph Nallos ng dalawang free throws upang masiguro ang panalo ng Risers.
Sa kanilang panalo, nanatili ang Bataan sa sosyohan sa ika-limang puwesto kasama ang Pampanga Lanterns sa parehong 15-9 win-loss kartada sa Northern Division. Ang Basilan naman ay nalaglag sa 15-9 slate sapat na para sa pang-limang upuan sa Southern Division.
Umani si John Bryron Villarias ng 17 puntos, anim na rebounds at anim na assists habang si Chito Jaime ay tumulong ng 13 puntos at limang rebounds at 12 puntos din mula kay Reed Juntilla para sa Bataan.
Tumapos ang dating San Sebastian star na si Bulanadi ng 26 puntos at tatlong rebounds at 13 puntos at 10 rebounds naman kay Cris Dumapig para sa Basilan na naputol ang kanilang six-game winning run dahil sa talo.
Sa iba pang laro, naka-eskapo ang Mindoro Tamaraws sa mga kamay ng Rizal Golden Coolers, 74-73 habang nagwagi naman ang Biñan City kontra sa Caloocan Supremos, 72-68, upang manatili sa ika-siyam na puwesto sa 11-14 win-loss record sa Southern Division.