Makati lusot sa Navotas; Manila wagi rin

MAKATI, Philippines  — Kumapit ang Makati Super Crunch sa ikalawang puwesto matapos padapain ang Navotas Clutch, 67-62 habang tinam­bakan naman ng Manila Stars ang Muntinlupa Cagers, 76-57, sa pagpapatuloy ng 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL)-Chooks-to-Go Lakan Cup sa Caloocan City Sports Complex.

Umani si Cedric Ablaza ng 15 puntos, walong rebounds, apat na assists at dalawang steals upang iposte ang pang-20th pa­nalo ng Makati sa 24 laro at manatili sa ikalawang puwesto sa Northern Division sa likuran ng lider na San Juan Knights na hawak ang 20-3 win-loss kartada.

Bukod kay Ablaza, tumulong din ng 13 puntos si Jeckster Apinan na may kasamang 10 rebounds at dalawang assists at 11 puntos para ihulog ang Navotas sa 6-17 slate.

Sa iba pang laro, nasungkit din ng Manila Stars ang kanilang ika-19th pa­nalo sa 23 laro para patatagin ang hawak sa ikatlong puwesto sa Northern group at ibaba ang Muntinlupa sa 5-18 record sa Southern Division.

Tumipak si Chris Bitoon ng 14 puntos, tatlong rebounds, walong assists at isang steal habang si Aris Dionisio ay gumawa ng 14 puntos, apat na rebounds, dalawang assists at isang block para sa Manila Stars.

Hindi rin nagpahuli ang Bacolod Masters Sardines pagkaraang pataubin ang paboritong Quezon City Capitals, 68-63, para umangat sa 7-15 card.

Show comments