Iba ang Pinoy! Overall champion sa 2019 Sea Games

MANILA, Philippines — Wala nang kaduda-duda.

Matapos ang 14 taon ay muling nakamit ng Pilipinas ang overall cham­pionship ng Southeast Asian Games isang araw bago ang opisyal na pagtiklop ng ika-30 edisyon ng biennial event.

Humakot ang mga Pinoy athletes ng 130 gold, 95 silver at 100 bronze medals para tuluyan nang angkinin ang overall championship.

Kabilang sa mga sports events na pinagkunan ng Pilipinas ng mga ginto ay sa arnis (14), dancesports (10), athletics (7), taekwondo (7), wushu (7), skateboar­ding (6), obstacle racing (6), boxing (7), gymnastics (3), cycling (3), judo (3), jiu-jitsu (3), rowing (3), muay (3) at triathlon (3), billiards (2), karate (2), fencing (2), surfing (2) at windsurfing (2), kickboxing (1) at Mobile game (1).

Sa boxing, sumuntok ng limang gintong medalya sina lightweight Charly S­uarez, light flyweight Carlo Paalam, flyweight Rogen Ladon, light welterweight James Palicte, women’s light flyweight Josie Gabuco kahapon.

Tatlong gold medal naman ang iniambag nina 2018 world champion Margarita “Meggie” Ochoa (women’s 45kg), Dean Michael Roxas (men’s 85kg) at Carlo Peña (men’s 56kg) sa jiu-jitsu event.

Nang angkinin ng Pilipinas ang overall crown noong 2005 ay humakot ang mga Pinoy athletes ng kabuuang 113 ginto, 84 pilak at 94 tansong medalya kasunod ang Thailand (87-78-118) at Vietnam (71-68-89).

Matapos ito ay bumagsak na ang kampanya ng bansa noong 2007 bilang No. 6 (41-91-96) sa Thailand, No. 5 (38-35-51) noong 2009 sa Laos, No. 6 (37-55-77) noong 2011 sa Indonesia, No. 7 (29-35-37) noong 2013 sa  Myanmar, No. 6 (29-36-66) noong 2015 sa Singapore at No. 9 (39-92-96) noong 2017 sa Malaysia na siyang pinakamababang puwesto ng mga Pinoy.

Samantala, lumundag ang Vietnam sa ikalawang puwesto sa nakolektang 74 ginto, 73 pilak at 86 tansong medalya kasunod ang Thailand (72-89-99), Indonesia (69-71-91), Malaysia (48-48-63) at Singapore (47-37-57).

Ang tatlong tansong medalya naman ng Timor Leste ay nagmula kina Amorin Imbrolia Araujo dos Reis sa taekwondo (women’s featherweight), Quintas da Silva Jose Barreto sa boxing (men’s flyweight) at Frederico Soares Sarmento sa boxing (men’s heavyweight).

Ang Vietnam ang susunod na mamamahala sa SEA Games sa 2021 sa Hanoi sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2.

Kabuuang 40 sports events ang inilatag para sa ikalawang pangangasiwa ng Vietnam sa regional meet matapos noong 2003 na kanilang pinagharian sa naibulsang 158 gold, 97 silver at 91 bronze medals.

Tumapos sa No. 4 ang Pilipinas sa naiuwing 48 ginto, 54 pilak at 75 tansong medalya.

Show comments