MANILA, Philippines — Handang-handa na si International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas na ipagtanggol ang kanyang korona laban kay
Miguel Gonzalez ng Chile ngayong araw sa Auditorio GNP Seguros sa Puebla, Mexico.
Parehong pasok sa timbang sina Ancajas at Gonzalez.
Tumimbang si Ancajas ng 115 pounds habang nagtala naman si Gonzalez ng 114.8 pounds sa official weigh-in kahapon.
Sabik nang magbalik sa ring si Ancajas matapos makansela ang kanyang laban kay Mexican Jonathan Javier Rodriguez noong Nobyembre 2 dahil sa problema sa visa.
Preparado si Ancajas dahil matinding paghahanda ang ginawa nito sa Amerika kasama si chief trainer Joven Jimenez bago tumulak sa Mexico para sa laban.
“Tuloy lang ako sa training after mapostpone ‘yung fight namin ni Rodriguez kaya kundisyon na kundisyon ako,” ani Ancajas.
Ang bakbakan nina Ancajas at Gonzalez ay undercard sa main event nina World Boxing Organization super bantamweight champion Emanuel Navarrete at Francisco Horta.
Alam na ni Ancajas ang mga ilalatag nitong estratehiya laban kay Gonzalez.
Kabisado na ni Ancajas ang estilo ng Chilean pug dahil makailang ulit itong pinanood ang laban ni Gonzalez.
Armado si Gonzalez ng 31-1-2 baraha kasama ang walong knockouts.
Galing si Gonzalez sa technical knockout win kay Himson Garcia noong Oktubre 12 para makuha ang World Boxing Association (WBA) fedelatin super flyweight title.
Handa rin si Gonzalez na ibuhos ang lahat upang hubaran ng korona si Ancajas.
“I am prepared to do what I have to do to bring the world title to Chile. If I have to box, I will box. If I have to fight, I will fight. That title goes with me,” anang 30-anyos na si Gonzalez.