MANILA, Philippines — Nag-ambag pa ng gintong medalya ang Philippine gymnastics team matapos sumiguro ng ginto si Daniela Dela Pisa sa hoop event ng 2019 Southeast Asian Games rhytmic gymnastics competition kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Nagtala ang 16-anyos Cebu native ng kabuuang 17.750 puntos tampok ang impresibong 11.400 difficulty score at 6.350 sa execution.
Pinataob ni Dela Pisa sina Malaysian bets Izzah Amzan at Amy Kwan na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Naglista si Amzan ng 16.500 puntos habang umiskor naman si Kwan ng 15.900 puntos.
Magandang regalo ito para kay Dela Pisa na isang overian cancer survivor.
Noong nakaraang taon sa Palarong Pambansa, naikuwento ng kanyang ina na si Darlene na nadiskubreng may ovarian cancer si Daniela noong apat na taong gulang pa lamang ito.
Masuwerteng nalusutan ni Daniela ang naturang pagsubok at matagumpay na katawanin ang bansa sa mga international competitions.
Sa katunayan, nakaginto ito sa 3rd Royal Open sa Greece at pilak naman sa 2019 Singapore Open kamakailan.
Nakatanso rin si Daniela sa ball at clubs.
Dahil dito, umangat na sa tatlong ginto ang produksiyon ng Pinoy gymnasts sa biennial meet.
Nauna nang humirit si world champion Carlos Edriel Yulo ng dalawang ginto at limang pilak na medalya sa men’s artistic gymnastics.