SUBIC, Philippines — Dinuplika ni Asian elite champion Monica Torres ang naunang panalo nina triathletes Kim Mangrobang at Rambo Chicano matapos pagreynahan ang women’s duathlon ng 30th Southeast Asian Games kahapon dito sa Subic Bay Boardwalk.
Nagsumite si Torres ng tiyempong dalawang oras, apat na minuto at 44 segundo para itakbo ang gold medal sa nasabing 10km run, 40km bike, 5km run event para isunod sa mga ginto nina Mangrobang at Chicano sa women’s at men’s triathlon kamakalawa.
Nagawa ito ni Torres bagama’t masama ang kanyang tiyan.
“Malaking tulong po ‘yung mga tao na sumusuporta kaya inisip ko nalang na I will not let them down,” wika ni Torres, inangkin ang gold medal sa nakaraang 2019 Singapore 60 City Duathlon International kung saan sinikwat ni Chelsea Sabado ang silver medal.
Tinalo ng three-time Powerman Asia Duathlon queen sina Pareeya Sonsem (2:11:18) ng Thailand at Thi Phuong Trinh Nguyen (2:14:20) ng Vietnam para sa pilak at tansong medalya, ayon sa pagkakasunod.
Huling idinaos ang run-bike-run event noong 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand.