SUBIC, Zambales, Philippines — Kasabay ng pagbibigay sa Pilipinas ng unang gold medal sa 30th Southeast Asian Games ay nakamit din ni triathlete Rambo Chicano ang kanyang personal na hinahangad.
Nagsumite ang 28-anyos na si Chicano ng bilis na isang oras, 53 minuto at 26 segundo para sikwatin ang gintong medalya sa men’s triathlon kahapon dito sa Subic Bay Boardwalk.
Noong 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia ay pumangalawa si Chicano sa kababayan niyang si Nikko Huelgas sa nasabing 1.5-kilometer swim, 40-kilometer bike at 10-kilometer run.
“Sobrang saya. Sobrang thankful ako kasi na-defend natin ang gold and silver medal,” sabi ng pambato ng Olongapo City. “Nagpapasalamat kami sa lahat ng mga kababayan natin na sumuporta sa amin. Para sa inyo ito!”
Inungusan ni Chicano ang kababayang si Andrew Kim Remolino na nagtala ng 1:55:03 para sa silver medal, habang nakuha ni Muhammad Ahlul Firman ng Indonesia ang bronze medal sa oras na 1:57:10.
Isang 1-2 finish din ang ginawa nina Kim Mangrobang at Kim Kilgroe para angkinin ang ginto at pilak na medalya sa kanilang itinalang 2:02.00 at 2:05.02, ayon sa pagkakasunod.
“Talagang nag-training ako nang husto para rito,” sabi ng 28-anyos na si Mangrobang sa kanyang matagumpay na pagdedepensa sa kanyang korona.