MANILA, Philippines — Walang iba kundi ginto ang nasa isip ng men’s polo team na nakatakdang harapin ang powerhouse Malaysia sa gold-medal match ng A Division 4-6 Goals event ng 2019 Southeast Asian Games ngayong araw sa Inigo Zobel Polo Facility sa Calatagan, Batangas.
Magtutuos ang Pilipinas at Malaysia sa alas-3 ng hapon.
Kumpiyansa si national polo team ace player Augustus Aguirre sa laban ng kanilang tropa.
Subalit alam nito na hindi magiging madali ang kanilang tatahaking daan dahil mas malalim ang karanasan ng Malaysian squad.
Nagawa nang talunin ng Pilipinas ang Malaysia sa eliminasyon.
At ito ang parehong resultang nais makuha ng host team.
“They (Malaysia) are going to be tough mas madami sila na magaga-ling na players sa amin. They are more balance and much talented,” ani Aguirre.
Makakatuwang ni Aguirre sina teammates Eduardo Lopez, Stefano Juban at Tomas Bitong sa tangkang maibulsa ang ginto. May 2-1 rekord ang Pilipinas.
Natalo ito sa Brunei Darussalam (8-8 ½) ngunit rumesbak ito nang pataubin ang Malaysia (8-1/2-5) at Indonesia (6-4 ½) sa kanilang huling dalawang laro.
“Even if you beat them the last time, Finals is absolutely a different game. You are not going to think about what happened the other day. Mas may experience sila at mas mataas ang pressure sa akin kasi ako ang nagdadala ng team,” dagdag ni Aguirre.