CLARK, Pampanga, Philippines — Pipilitin ng Team Philippines na mahubaran ng korona ang nagdedepensang Malaysia sa paggulong ng lawn bowl event ng 30th Southeast Asian Games ngayon dito sa Friendship Gate.
Babandera para sa mga Filipino lawn bowlers sina Emmanuel Portacio, Leoncio Carreon Jr., Ronald Lising at Robert Curte Guarin.
Hangad naman nina Ronalyn Greenlees, Hazel Jagonoy at Rosita Bradborn na pagandahin ang kanilang silver medal finish sa women’s triples noong 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa nasabing edisyon ay kinuha ng Malaysia ang pitong gold medals at isang silver.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Angelo Morales at Rodel Labayo (men’s pairs), Christopher Dagpinm, Homer Mercado at Elmer Abatayo (men’s triples) at Ainie Knight, Asuncion Bruce at Nancy Toyco (triples).
Maglalaro rin sina Bradbord, Jagonoy, Marisa Baronda at Sharon Hauters sa women’s fours event at sina Greenlees at Nenita Tabiano sa women’s pairs.
Samantala, Pamumunuan nina Filipino fighters Rick Jayson Senales at collegiate standout Joshua Tablan ang kampanya ng Pilipinas sa kurash competitions na magsisimula ngayong hapon sa Laus Group Convention Center sa San Fernando.
Anim na bansa, kabilang ang Pilipinas, ang mag-aagawan sa gold medal.
Ang kurash ay isang wrestling match kung saan kailangang ibalibag ng isang atleta ang kanyang kalaban sa sahig para makakuha ng puntos.
Sasabak ang 33-anyos na si Senales sa men’s- 90 kgs habang lalaban si Tablan sa +90 kgs category.
Ang iba pang miyembro ng men’s national team ay sina John Baylon (-81 kgs) at Lloyd Dennis Catipon (-73 kgs).
Lalaban naman sa women’s division sina Helen Dawa (-52 kgs), Bianca Mae Estrella (-70 kgs), Estie Gay Liwanag (-63 kgs), Jennie Lou Mosqueda (-57 kgs) at Sidney Sy (+70 kgs).
Maliban sa Pilipinas, ang iba pang kalahok ay ang Indonesia, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam.