Banchero dadalhin ng Aces sa Hotshots

Chris Banchero

MANILA, Philippines — Bukod sa isyu kay No. 2 overall pick Bobby Ray Parks Jr. ng Blackwater ay inaasahan ding dedesis­yunan ng PBA Commissioner’s Office ang trade sa pagitan ng Alaska at Magnolia.

Ibibigay ng Aces si point guard Chris Banchero sa Hotshots para makuha sina forward Robbie Herndon at bigman Rodney Brondial.

Ang naturang palitan ay tatalakayin bukas ng PBA Commissioner’s Office at ng five-man trade committee sa pagbabalik ng kanilang trabaho.

Kung aaprubahan ay makakasama ng 30-anyos na si Banchero sa backcourt ng Magnolia, ang nagdedepensa sa titulo ng 2019 PBA Governor’s Cup, sina Paul Lee, Mark Barroca, Jio Jalalon, Rome Dela Rosa at Justin Melton.

Ang Fil-italian playma­ker ay nakuha ng Alaska bilang No. 5 overall pick noong 2014 PBA Draft at naglaro sa US NCAA at Asean Basketball League.

Ang Aces naman ang posibleng maging ikatlong koponan ni Herndon matapos mapili ng NorthPort Batang Pier noong 2017 PBA Draft bilang No. 6 overall pick.

Nauna nang dinala ng Alaska si Ping Exciminiano at isang future draft pick sa Rain or Shine kapalit si Maverick Ahanmisi kasunod ang pagbibigay kay Carl Bryan Cruz sa Blackwater para kay Abu Tratter.

Kamakailan ay naiulat ang pagbibigay ng Elite kay Parks sa TNT Katropang Texters kapalit nina Anthony Semerad, Don Trollano at dalawang future draft picks.

Show comments