MANILA, Philippines — Ang seguridad at pangangalaga sa career ng mga atleta ang mga isyu na tatalakayin sa unang Philippine Professional Sports Summit sa Setyembre 24-25 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Sinabi ni GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na isang masiglang ‘interaction program’ ang inihanda ng ahensya sa pakikipagtulungan ng mga professional league, boxing promoters sa bansa at anti-doping agency para higit na maunawaan ng mga professional athletes ang mga makakaapekto sa kanilang career.
“We invited the PBA, boxing matchmakers, promoters. Ang sabong group pupunta and the Philippine Anti-Doping Agency (PHINADO) under Dr. Alejandro Pineda is coming. Maipapaliwanag nila sa mga atleta kung ano ang dapat gawin para maiwasan ‘yung mga substances na ipinagbabawal ng WADA,” wika ni Mitra sa Usapang Sports ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon.