MANILA, Philippines — Sa loob ng apat na taon, patuloy na nilapa ng three-peat champion San Beda Red Lions ang arch-rival Letran Knights matapos ang kanilang 70-66 panalo kahapon para masungkit ang pang-limang sunod na panalo sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA basketball tournament sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Huling nanalo ang Knights sa Red Lions noon pang Game 3 ng best-of-three Finals noong 2015 kung saan nakopo nila ang pang-17th seniors title sa panahon pa ni dating coach Aldin Ayo, ngunit mula noon hindi na nananalo ang Letran sa San Beda.
Kontrolado ng tropa ni coach Boyet Fernandez ang laro mula umpisa hanggang sa huling yugto sa pangunguna nina Fil-Canadian James Kwekuteye, Evan Nelle at Cameronian Donald Tankoua para muling umangat sa solo liderato sa malinis na 5-0 win-loss kartada.
Umabot pa sa 15 puntos ang lamang ng Beda sa steady shooting nina Nelle at Kwekuteye bago naibaba sa walong puntos na lamang, 62-54 mahigit anim na minuto pa ang nalalabi sa ika-apat na yugto.
Umani si Nelle ng 18 puntos, pitong rebounds at tatlong assists habang ang 6’5 center na si Tankoua ay tumipak ng 15 puntos at apat na rebounds bago ang kanyang ika-limang foul sa huling minuto ng laban.
Tumapos si Jerrick Balanza ng 20 puntos, limang assists at tatlong rebounds para sa Letran na bumaba sa solo fourth spot sa 5-2 record sa likuran ng San Beda (5-0), St. Benilde (4-0) at Lyceum (5-1).
Sa juniors’ division, naging doble ang selebrasyon sa Mendiola pagkaraang gapiin ng SBU Red Cubs ang Letran Squires, 83-79 upang manatili sa solo liderato sa 5-1 slate.
Tumapos si Justine Sanchez ng 27 puntos at sampung rebounds habang si Yukien Andrada ay tumulong ng 20 puntos at walong rebounds para ibaon ang Squires sa 3-5 card.