MANILA, Philippines — Itataya ng co-leaders San Beda Red Lions at St. Benilde Blazers ang malinis na kartada sa magkahiwalay na laban ngayon sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Kapwa nagsosyo ang three-peat champion Red Lions at Blazers sa liderato sa parehong 4-0 win-loss kartada kaya ang mananalo ay mananatili sa top spot sa kalagitnaan ng first round elimination.
Haharapin ng Red Lions ang nangungulelat na Mapua Cardinals (0-5) sa alas-2 ng hapon habang magtatagpo naman ang Blazers at pumapangatlong Letran Knights (5-1) sa alas-12 ng tanghali.
Sa iba pang laro, asam ng San Sebastian Stags (2-3) na bumangon agad sa pakikipagtuos sa Arelano Chiefs (1-4) sa alas-4 ng hapon.
Pinaalalahanan ni coach Boyet Fernandez ang kanyang tropa na huwag magkumpiyansa laban sa Cardinals dahil hindi sila madaling kalaban kahit nasa ilalim ng standing.
Sa iba pang laro, kapwa galing naman ang Blazers at Knights sa panalo matapos maka-eskapo ang Taft-based squad laban sa San Sebastian Stags, 77-72 noong nakaraang Martes habang ginapi naman ng Letran ang Mapua, 89-84 sa parehong araw.