MANILA, Philippines — Mananatili pa rin ang Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) Foundation na pinamunuan ni Speaker Alan Peter Cayetano bilang official organizing committee sa hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games ngayong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Sa pagtitipon ng mga matataas na mga opisyales ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine SEA Games Organizational Committee (PHISGOC) at Philippine Olympic Committee (POC) nagkakaisa ang lahat sa patuloy na pagtitiwala kay Phisgoc chairman Cayetano.
“After speculations that the PHISGOC will be taken out as the organizer of the SEA Games amidst apparently baseless allegations of corruption, PHISGOC has been given the green light of Malacañang to continue what it has been doing for the past year,” ayon sa statement mula sa opisina ni Cayetano.
Sa nasabing unity meeting sa Malacañang Heroes Hall noong Miyerkules, napagkasunduan din ng lahat na ang POC ang magpapatakbo sa lahat ng mga laro na gaganapin sa SEA Games kabilang na ang mga technical aspects sa lahat ng 57 sports disciplines at 550 events sa multi-event meet.
Ang PSC naman ay nanatili bilang official custodian ng government budget na aabot sa mahigit P6 bilyon na inilaan ng gobyerno para masiguro ang tagumpay sa 2019 SEA Games.