MANILA, Philippines — Isang agresibong third-round knockout win ang inirehistro ni Southeast Asian Games gold champion John Marvin para makahirit ng tiket sa quarterfinals ng men’s flyweight division sa 2019 Thailand Open International Boxing Championship na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Inilabas ni Marvin ang buo niyang lakas para patumbahin si Assaghir Mohammaed ng Morocco at makatiyak ng puwesto sa Round-of-8 ng torneo.
Sunod na makakaharap ni Marvin si Zhang Jilei ng China, umiskor ng 5-0 panalo laban kay Ganesh Pradhan ng Nepal.
Muling nalagasan ang pambansang koponan matapos mapatalsik sa kontensyon si Marvin Tabamo sa men’s flyweight class.
Nakatikim si Tabamo ng 0-4 kabiguan kay Rajab Otokile Mahommed.
Nakatakdang labanan ni bantamweight Ian Clark Bautista si Jack Denahy ng Australia at makakatapat ni 2014 World Championship silver medalist Nesthy Petecio si Tumurkhuyag Bolortuul ng Mongolia sa second round.