MANILA, Philippines — Mas mautak at mas madiskarte.
Ganito isinalarawan ni strength and conditioning expert Justin Fortune si eight-division world champion Manny Pacquiao matapos ang ilang buwang pagsisikap nito sa training camp.
Dahil dito, lubos na magiging mapanganib si Pacquiao sa oras na makasagupa nito si Keith Thurman sa kanilang unification bout sa Linggo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay Fortune, kakaibang Pacquiao ang masisilayan ng buong mundo sa pagkakataong ito.
Mas matalino na ngayon ang Pinoy champion kumpara sa kanyang mga nakalipas na laban.
“His skill has tremendously improved and he’s a lot wiser,” wika ni Fortune.
Tutulak na ngayong Martes (Lunes sa Amerika) ang Team Pacquiao patungong Las Vegas para doon ipagpatuloy ang huling bahagi ng training camp ng reigning World Boxing Association (WBA) regular welterweight titlist.
Tuloy ang magagaan na ensayo ni Pacquiao.
Sasailalim ito sa road work at ilang gym activities para mapanatili ang perpektong kundisyon nito.
“Yeah, Manny will still do a bit of roadwork and some gym activities to loosen up and remain focus. If needed, we’ll do light workout for muscle memory,” ani Fortune.
Ipinagmalaki naman ni chief trainer Buboy Fernandez na plantsado na ang game plan ni Pacquiao para sa laban.
Wala itong ibinigay na detalye.
Masisilayan na lamang aniya ito ng buong mundo sa mismong laban.
“We’ve been practicing that for week, pero di niya ma-perfect, but today, it came out na. Panalo na tayo,” ani Fernandez.
Bago umalis ng Wild Card Gym, sasailalim muna si Pacquiao sa apat na rounds ng sparring.
Madalas itong gawin ni Pacquiao sa kanyang mga nakalipas na laban dahil ayaw nitong masayang ang panahon upang masiguro ang lubos na kahandaan bago humarap kay Thurman.