Cignal-Ateneo kampeon

Nag-pose ang Cignal-Ateneo Blue Eagles matapos masikwat ang korona

MANILA, Philippines — Hindi na pinaporma ng Cignal-Ateneo de Manila University ang Centro Escolar University sa Game 4 matapos itarak ang 98-66 panalo upang dagitin ang kampeonato ng 2019 PBA D-League kahapon sa Ynares Sports Center sa Pasig City.

Balanseng atake ang pinakawalan ng Blue E­agles kung saan bumandera si Ivorian center A­ngelo Kouame na nagtala ng 18 markers, 16 rebounds, dalawang steals at dalawang blocks habang umiskor naman si William Navarro ng 16 puntos.

Nagdagdag si UAAP Season 81 Finals MVP Thirdy Ravena ng 15 puntos samantalang may 10 naman si Gian Mamuyac, pinagsamang 16 sina Matt Nieto at Mike Nieto at pito si Season MVP Isaac Go para sa Cignal-Ateneo.

Tinapos ng Blue Eagles ang best-of-five championship series tangan ang 3-1 marka. Nakauna ang Cignal-Ateneo nang kunin nito ang 101-66 demolisyon sa Game 1 habang tumabla ang CEU sa Game 2 bunsod ng 77-74 desisyong nakuha nito bago nakuha ng Blue Eagles ang Game 3 (67-52).

Mainit ang simula ng Blue Eagles nang iselyo nito ang 28 puntos na kalamangan sa pagtatapos ng first quarter, 38-10.

Napanatili ng Cignal-Ateneo ang malakas na signal para kubrahin ang 48-27 bentahe sa ikalawang kanto.

Ito ang naging mati­bay na pundasyon ng Blue Eagles na nadala nito sa second half para tu­luyang palugmukin ang Scor­pions at makuha ang kam­peonato.

Ito ang ikatlong korona ng Cignal sa liga.

Nagkampeon din ang tropa sa 2017 Aspirants’ Cup at 2017 Foundation Cup.

Taas-noo namang ti­nanggap ng Scorpions ang runner-up trophy.

Naglista si Rich Guinitaran ng 20 puntos samantalang may 12 naman si Dave Bernabe at tig-11 sina Maodo Malick Diouf at Jerome Santos para sa CEU.

Malaking konsolasyon ito para sa Scorpions na nadawit sa kontrobersiyal matapos masangkot ang ilang manlalaro nito sa game-fixing issue bago magsimula ang semifinals.

Show comments