Laro sa Martes(Ynares Sports Arena, Pasig City)
4 p.m. CEU vs Ateneo (Game 4, Finals)
MANILA, Philippines — Mabagsik ang pagresbak ng Cignal-Ateneo de Manila University nang dagitin ang 67-52 panalo laban sa Centro Escolar University sa Game Three upang makalapit sa korona ng 2019 PBA D-League kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Binanderahan ni UAAP Season 81 Finals MVP Thirdy Ravena ang matayog na lipad ng Blue Eagles nang magtala ng 12 points at 8 rebounds para dalhin ang Cignal-Ateneo sa 2-1 kalamangan sa best-of-five championship series.
Kumana naman si Angelo Kouame ng 10 markers, 9 blocks at 7 boards, habang may pinagsamang 17 points ang Nieto brothers na sina Mike at Matt, at siyam si Adrian Wong.
Nakabalik na si Isaac Go na galing sa karamdaman kung saan nagtala ito ng limang puntos.
“We went a little bit away from our defensive system last game and we wanted to get that in today’s game,” sabi ni Blue Eagles deputy coach Sandy Arespacochaga.
Si Senegalese big man Maodo Malick lamang ang nagtala ng double-digits para sa Scorpions mula sa kanyang 19 markers at 20 boards.
Nagkasya sa siyam si Dave Bernabe at walo si Rich Guinitaran.
Lalaruin ang Game Four sa Martes sa parehong venue.
Samantala, itinanghal si Go bilang Season MVP.
Nagtala ang 6-foot-8 big man ng averages na 9.9 points, 4.9 rebounds at 1.3 assist para sa Blue Eagles sa eliminasyon.