TAGAYTAY CITY – , Philippines — Isang linggo bago ang karera ay nandito na ang Taiyuan Miogee Cyling Team para pag-aralan ang ruta.
Ang resulta nito ay ang pag-angkin ni rider Jeroen Meijers sa Stage One 129,5-kilometer lap ng 2019 Le Tour de Filipinas na pinakawalan at natapos dito sa Tagaytay City Praying Hands Monument.
“We’re here one week before the race for us to get to know the route, where is the steepest area,” sabi ng 26-anyos na Dutch rider na nagposte ng tiyempong tatlong oras, anim na minuto at 59 segundo.
Ang iba pang nasa Top Five ay sina Angus Lyons (03:08.32) ng Olivers Real Food Racing, Daniel Habtemichael (03:09.02) ng 7-Eleven, Sandy Nur Hassan (03:09.14) at Aiman Cahyadi (03:09.21) ng PGN Road Cycling Team.
Tanging si Felipe Marcela (03:09.25) ang Pinoy rider na napasama sa Top 10 habang nasibak na sa kabuuan ng karera sina El Joshua Cariño, ang nagkampeon noong nakaraang taon at Ronald Oranza ng Philippine national team dahil sa kabiguang makuha ang cut-off time.
Mula sa Praying Hands Monument ay dumaan ang mga siklista sa mga bayan ng Lian, Binubusan, Balayan, Calaca, Lemery, Agoncillo at Laurel pabalik sa starting line.
Sumabak sila sa dalawang intermediate sprint kasunod ang King of the Mountain (KOM) sa Tagaytay-Talisay Sampaloc Road.
Susubukan ni Meijers na mapanatiling suot ang purple jersey ngayon sa Stage Two 194.90-km mula Pagbilao, Quezon patungo sa Daet Camarines Norte.