Pinoy riders masusukat ang katatagan ng binti sa 10th Le Tour de Filipinas

MANILA, Philippines — Mas mabilis at mas mahirap na daanan ang tatahakin ng mga siklista sa five-stage 10th Le Tour de Filipinas na lalarga sa Hunyo 14 hanggang 18.

Ito ang obserbasyon ng National team coaches na sina Reinhardt Gorrantes at Ednalyn Hualda sa nasabing 822.20-kms. route mula Tagaytay City hanggang sa Legazpi City, Albay.

Hindi lamang umano bagay para sa mga sprinters at mga climbers ang naturang daanan kundi sa mga sik­lista na malalakas sa parehong terrain, ayon sa da­lawang coaches.

“There are mountain passes in the race but let us not forget that the middle stages which are almost all flat with a slightly reclining gradient,” sabi ni Gorrantes, ang head coach ng  Philippine National Team na binubuo ng mga riders ng Philippine Navy-Standard Insurance.

Sinang-ayunan naman ni Hualda ang obserbasyon ni Gorrantes dahil ayon sa kanya mayroon ding mahihirap na akyatan sa Stage 1 at Stage 5, ngunit bukod doon ang mahabang Stage 1, 2 at 3 ay pabilisan naman kaya maigi sa mga siklista  ang tactical riding sa limang araw na karera na ini-organisa ng Ube Media Inc. na nagdiwang ngayon ng ika-sampung anibersaryo.

Ang Le Tour ay magsisimula  sa Hunyo 14 sa 129.50-km Stage 1 sa loob at labas ng Tagaytay City at susundan ng 194.90-km Stage Two sa Hunyo 15 mula Pagbilao, Quezon hanggang sa Daet, Camarines, Norte.

Sasabak naman ang mga riders sa mahabang 183.70-kms sa Stage 3 sa Hunyo 16 mula Daet hanggang sa Legazpi City at ang  Stage Four ay ang 176.00-kms mula Legazpi City via Sorsogon at Gubat at pabalilk sa Albay capital.

Matatapos ang UCI-sanctioned Le Tour 2019 sa 145.80-kms. Stage 5 sa Legazpi City via Donsol, Sorsogon para sa krusyal na araw sa rolling hills at malalakas na hangin.

Show comments